4 Pebrero 2013
Dear Ate Charo,
Ang totoo’y iniiwasan ko minsan ang manood ng iyong programa dahil naaalala ko lang ang aking sariling karanasan sa buhay na gusto ko nang ibaon sa limot. Bawat episode kasi ninyo’y tila naghaharap din sa akin ng sarili kong buhay. Pakiramdam ko, nananariwa ang mga sugat kong kahit papaano’y hinilom na ng panahon. Nabubuksan muli ang mga aklat sa aking buhay na ilang dekada ko na ring pilit isinasara.
Isang episode ninyo ang aking napanood na ukol sa dalawang batang naglakbay nang napakalayo upang makauwi lang sa kanilang probinsiya. Ilang linggo ko ring naisip ang ukol sa dalawang batang iyon. Napakalapit nila sa aking sariling kuwento. Ilang linggo ring nanariwa sa aking isipan ang kuwento ng aking Kuya Gener. Di ako mapakali, gusto kong ibahagi ang kanyang buhay—ang buhay naming magkuya.
Idolo ko si Kuya Gener. Kung ang ibang bunso’y maka-nanay o maka-tatay, ako naman, maka-kuya. Kay Kuya, nararamdaman kong ligtas ako. Si Kuya ang nagbigay sa akin ng pagmamahal na di naibibigay ni Nanay.
Isang taon pa lang ako nang mamatay ang aming Tatay. Sa mga kuwento lang ni Kuya, nakilala ko si Tatay. Napakahusay magkuwento ni Kuya. Totoong-totoong ang lahat. Sa mga kuwento ni Kuya, parang nakasama ko na rin si Tatay. Si Kuya raw lagi ang nagtitimpla ng kape ni Tatay. Alam na alam daw niya ang timpla ng kape ni Tatay. Minsan nga, nagtimpla pa si Kuya ng kape at ipinatikim niya sa akin. Iyon daw ang timpla ng kape ni Tatay. Tamang-tama ang tapang at tamis. Huling-huli raw ni Kuya ang lasa ng kape ni Tatay kaya laging siya ang pinagtitimpla ng kape ni Tatay at di si Nanay. Kaya ang nakasanayan naming timpla ng kape ni Kuya ay ang timpla ng kape ni Tatay. Kung umagang walang ulam, isinasabaw namin ang kape sa kanin. Sabi rin ni Kuya, kamukhang-kamukha ko raw si Tatay.
Wala rin daw tigil sa paninigarilyo si Tatay lalo na’t kinukumpuni ang jeep na ipinapasada niya noon. Bago matulog, umiinom pa rin ng kape si Tatay. Nakakatulugan din niya ang paninigarilyo. Makikita ang paso at upos ng sigarilyo sa tabi ng papag. Nagkasakit si Tatay sa baga dahil sa sobrang paninigarilyo. Ipinapasada ni Nanay ang jeep sa ibang tsuper hanggang sa ipagbili na niya ito. Lungkot na lungkot daw si Kuya noong ipagbili ni Nanay ang jeep ni Tatay. Alagang-alaga raw kasi ni Tatay ang jeep.
Bukod sa jeep, naiwan ni Tatay sa amin ang malawak na bukirin sa likod ng aming bahay. Kapag tag-ulan, sa bukid kami namimingwit ni Kuya ng mga palakang bukid, kumukuha ng mga suso at nanghuhuli ng mga hito. Masayang-masaya kami ni Kuya sa aming mga ulam. Kung puno ng tubig ang bukid, nagiging swimming pool namin. Kung tag-araw, dito kami nagpapalipad ng saranggola, nagluluksong-baka at iba pa. Kakampi namin ni Kuya ang bukid. Ang mga sandaling kasama ko si Kuya sa bukid ang mga pinakaperpektong sandali sa aking buhay.
Si Nanay, walang pakialam noon. Ang pagkamatay ni Tatay ay tila kanyang paglaya. Pinilit niyang higit na maging bata o sariwa. Mas higit siyang nahilig sa pagpustura—sa magagandang damit, sa make-up, sa magagandang tsinelas at sapatos, sa mga bagong hikaw at kuwintas at iba pa. Nagkaroon ng sariling buhay si Nanay. Sarili namin ni Kuya ang buhay namin. Kami ang bahala sa aming mga sarili. Grade 1 ako noon at Grade 6 naman si Kuya.
Si Kuya ang naghahanda ng aming baong pagkain sa araw-araw. Ibabalot niya ang mainit na kanin sa dahon ng saging, kasama na ang ulam na kanyang binili sa tindahan—minsa’y pritong tuyo, tinapa, nilagang itlog, itlog na pula na may ginayat pang kamatis. Si Kuya ang naglalaba ng aming iniporme tuwing hapon pagkauwi namin ng bahay para maisuot uli naming kinabukasan. Pero problema kung umuulan, mahirap matuyo ang damit. Kaya marami ring umagang parehong basa ang unipormeng suot namin ni Kuya pagpasok sa paaralan. Mahigit sa dalawang kilometro ang nilalakad namin ni Kuya sa pagpasok sa paaralan.
Si Kuya rin ang naghahanap ng aming ibabaong pera sa araw-araw. Natatandan kong sabi niya sa akin noon, di na raw namin kailangan ang pera dahil may baon na kaming pagkain. Pero ang ipinagtataka ko’y lagi pa rin niya akong binibigyan ng pera para raw kung sakali may gusto akong bilihin o kainin sa paaralan, mabibili ko. Pero ang lihim ko kay Kuya noon, bumutas ako sa poste na kawayan ng aming bahay. Doon ko inihuhulog ang mga dalawang pisong ibinibigay niya sa akin. Gusto kong ibili siya ng bagong notebook at saka ballpen.
Di naman matalino si Kuya. Di siya honor student. Ang pambihira sa kanya, napakahilig niyang magsulat sa kanyang notebook. Mahilig siyang magsulat ng mga tula at kuwento. Sabi niya balang-araw, magiging libro raw ang kanyang mga isinusulat. Hanggang ngayo’y pinakaiingatan ko pa rin ang mga notebook ni Kuya—ang pinakamahalagang alaala ko sa kanya. At hanggang ngayo’y ikinamamangha ko kung paanong nalikha ni Kuya ang kuwentong iyon. Saan kaya nanggaling ang mga kuwentong iyon? Punong-puno ng sulat ang kanyang notebook, walang makikitang bakante. Gusto ko noon agad na matutong magbasa dahil gusto kong mabasa ang mga isinulat na kuwento ni Kuya.
Magtatapos na noon si Kuya sa Grade 6 nang mag-asawa uli si Nanay, si Tuning. Di ko siya matawag na Tatay dahil kailanman ay di naman siya naging ama sa aming dalawa ni Kuya. Sa pagtira ni Tuning sa aming bahay, parang lalong lumayo sa amin ni Kuya si Nanay. Si Tuning lang ang ipinagluluto ni Nanay ng masasarap na ulam, ang ipinaglalaba ng damit, ang ipinagtitimpla ng kape, ang inaasikaso sa lahat ng bagay. Kami ni Kuya, bahala sa aming sariling buhay. Ang buhay ni Nanay umikot lang kay Tuning. Sa pagdating ni Tuning sa buhay ni Nanay, dumating din ang maraming problema sa aming buhay ni Kuya.
Isang hapon walang koryente, kinukuwentuhan ako ni Kuya sa aming hagdanan na may sampung baitang. Ikinukuwento niya sa akin ang ukol sa isang haring napakasakim. Lahat ng magagandang telang hinahabi ng mga tao ay kanyang kinukuha, hanggang isang araw ay nawala raw ang hari at nakita ng mga tao ang kanilang mga telang hinabi na nakapinta sa kalangitan. Iyon daw ang simula ng pagkakaroon ng bahaghari sabi ni Kuya. Dumating noon si Tuning, hinahanap si Nanay. Di kami sumasagot ni Kuya dahil wala naman kaming isasagot. Di namin alam kung saan nagtungo si Nanay.
Inutusan niya si Kuya na ipagtimpla siya ng kape. Parang walang narinig si Kuya. Inulit ni Tuning ang kanyang sinabi, para uling walang narinig si Kuya. Tuloy siya sa pagbuklat ng kanyang notebook. Lumapit si Tuning sa kanya. Hinatak ang kanyang kamiseta upang mapatayo siya at mapagtimpla ng kape. Napakabagsik pala ng mga mata ni Tuning. Parang kakainin kami ni Kuya. Pinagpupunit ni Tuning ang notebook ni Kuya. Nag-iiyak si Kuya. Ako umiyak din dahil sinira ni Tuning ang pinakamahalaga kay Kuya. Napilitan din si Kuya na ipagtimpla ng kape si Tuning. Pagkatapos, dinuraan ni Kuya ang kape sabay-tingin sa akin. Pinunasan niya ang kanyang mga luha. Iyon ang pagganti ni Kuya sa salbaheng asawa ni Nanay.
Pagkatapos noon, pinilit namin ni Kuya na ayusin ang kanyang punit-punit na notebook. Noon ko hinangad na sana ay mapuno na ang alkansiya ko sa poste ng aming bahay, gusto kong ibili siya ng bagong notebook at ng magandang ballpen.
Di rin ako nakaligtas kay Tuning. Sa aking pagkataranta sa kanyang inuutos na kunin ang kanyang pulang kamiseta na bagong laba ni Nanay, natawag ko siyang Tuning nang iabot ko ang kanyang damit. Parang nagpantig ang kanyang tenga. Pinagsasampal-sampal niya ang aking bibig. Di niya ako tinigilan hangga’t ko sinasabing “Tatay Tuning”. Dumating si Nanay at pinipigil niya si Tuning. Sinabi ko ang “Tatay Tuning”. Pakiramdam ko, ginawa lang talaga iyon ni Tuning para saktan ako. Nakahanap siya ng dahilan para saktan ako. Pagkatapos noon, pinagkukurot ako ni Nanay. Huwag na huwag ko na raw iyon uulitin dahil siya na raw ang tatampal sa bibig ko. Kayang-kaya raw niyang paduguin ang bibig kong walang galang.
Isang gabi, narinig namin ni Kuya na nag-uusap si Nanay at si Tuning. Sa higaan, nagkukunwari kaming natutulog ni Kuya. Hinihingi ni Tuning ang titulo ng bukid na naiwan sa amin ni Tatay. Gusto ni Tuning na isangla ang titulo ng lupa para makabili ng jeep na pampasada. Di naman daw napakikinabangan ang bukid dahil wala namang nagtatanim. Ngunit sinabi ni Nanay, para raw sa amin ni Kuya ang lupa at di na sa kanya. Pero sino raw ba kami? Sabi ni Tuning—mga batang walang muwang. Wala raw kaming magagawa kung gusto talaga ni Nanay. Habang tumatagal ang kanilang pag-uusap lalong nagiging malupit ang mga sinasabi ni Tuning. Iiwan daw niya si Nanay. Sa kanyang desperasyon, hinalughog niya ang damitan ni Nanay at hinanap ang titulo ng lupa. Dinig na dinig ko ang pag-iyak ni Nanay. Nakuha rin ni Tuning ang titulo ng bukid na kinatatayuan din ng aming lumang bahay. Ito ang huling sinabi ni Tuning, “Ako lang ang masusunod sa bahay na ito”.
Kinabukasan, nagtulong kami ni Kuya na mahanap ang titulo ng lupa na kinuha ni Tuning. Nakita ni Kuya ang titulo sa ilalim ng unan na ginagamit ni Tuning. Itinago ito ni Kuya sa kanyang bag, itiniklop ito nang medyo maliit at saka iniipit sa kanyang notebook. Malinaw sa amin ni Kuya, ang bukid ay sa aming dalawa.
Kinagabihan, pinatunayan ni Tuning ang sinabi niya kagabing “Ako lang ang masusunod sa bahay na ito”. Nag-aapoy siya sa galit nang malang wala ang titulo sa kanyang pinagtaguan. Tinanong niya si Nanay habang matalim na nakatingin kay Kuya. Bigla-biglang hinawakan ni Tuning sa leeg si Kuya. Noon ko nakita ang kakaibang tapang ni Kuya. Nag-iiyak ako sa maaari pang gawin ni Tuning kay Kuya. Nag-aapoy ang mata ni Tuning sa galit. Ngunit nagmatigas si Kuya. Naging pipi si Kuya habang walang patid ang pag-agos ng kanyang luha.
Binitawan siya ni Tuning at hinanap ang bag ni Kuya. Nakita ni Tuning ang titulong nakaipit sa notebook ni Kuya.
Ito ang natatandaan kong sinabi ni Kuya noon, “Sa amin ni Ruben ang bukid.”
Pero narinig kong uli ang sinabi ni Tuning kagabi, “Ako lang ang masusunod sa bahay na ito. Kayang-kaya ko kayong tirising dalawa!”
Muli kaming dalawa ni Kuya ang magkakampi. Si Nanay, di uli namin naasahan lalo na sa sandaling kailangang-kailangan namin siya ni Kuya.
Kinaumagahan, wala na si Nanay at si Tuning. At nang ako’y bababa ng hagdan, nagulat akong wala ang hagdan. Tiyak na tinanggal ni Tuning para di kami makapasok ni Kuya. Iyon ang kanyang pagganti sa amin. Ginising ko si Kuya. Siya muna ang bumaba at saka niya ako tinulungang makababa. Magkatulong naming ikinabit ang mabigat na hagdan. Tatlong araw na wala si Nanay at si Tuning. Tulad uli ng dati, di namin alam ni Kuya kung saang lupalop sila ng mundo nagpunta.
Sa ikaapat na araw, dumating si Nanay at si Tuning na sakay ng isang jeep. Masayang-masaya silang dalawa. Malalakas ang kanilang tawa na parang sarili nila ang mundo. Tuwang-tuwa silang nagkuwentuhan tungkol sa Maynila, sa masaya at maganda raw na Maynila. Bitbit ni Nanay ang maraming plastik na may lamang mga bagong damit niya.
Masamang-masama ang loob ni Kuya. Pakiramdam ko noon, talong-talo kaming dalawa. Sino ang aming lalapitan? Kanino kami maaaring humingi ng tulong? Doon ko naisip na talagang kami na lang ni Kuya ang magkakampi. Kailangan naming tulungan ang isa’t isa. Kailangan naming maging buo upang maging matapang.
Napansin ko lalong naging masipag si Kuya sa pagsulat sa kanyang notebook. Noo’y lalo kong ginustong matutong magbasa agad. Gusto kong mabasa ang mga kuwentong isinusulat ni Kuya sa kanyang notebook. Bakit pa kasi ang hirap-hirap magbasa? Naisip ko noon. Kay Kuya, natutuhan kong mangarap. Gustong kong maging mahusay sa pagsulat tulad niya. Gusto ko ring sumulat ng magagandang kuwento.
Makalipas ang ilang linggo, sa aming paglalakad papasok sa eskuwelahan, tinawag ni Mang Patrocinio si Kuya at ibinalita sa aming sa kanya pala isinangla ni Tuning ang titulo ng bukid. Nangako naman daw si Tuning maghuhulog linggo-linggo. Si Mang Patrocinio ay isa sa mayamang tao sa aming lugar. Kilala siyang nagpapahukay ng mga balon sa iba’t ibang lugar upang maghanap ng ginto.
Pero ni isang kusing ay walang naihulog na pera si Tuning kay Mang Patrocinio. Lumipas din ang mga araw at buwan na di na siya umuuwi ng aming bahay. Tangay niya ang jeep. Parang lalong naging ibang tao si Nanay. Sa tingin ko sa kanya noon, parang nawalan siya ng dahilan upang mabuhay. Kami raw ang pinakamabigat niyang bagahe sa buhay. Di raw siya makalaya. Para raw isang kulungan ang aming bahay. Sa amin ni Kuya ibinuhos ni Nanay ang kanyang galit. Sa galit ni Nanay sa amin, nararamdaman ko ang kanyang matinding lungkot.
Noo’y nakita ko ang pagmamalasakit ni Kuya kay Nanay. Isang gabi, tahimik na tahimik ang aming bahay, iniabot ni Kuya kay Nanay ang kapeng tinimpla niya. Si Nanay, nakatingin sa malayo, sa daang pagmumulan ng ilaw ng jeep. Ininom naman ni Nanay ang kape. Kinumusta niya kaming magkapatid na parang nalayo sa kanya sa matagal na panahon. Kay lungkot ni Nanay.
Kahit papaano’y para akong nabunutan ng tinik dahil wala na si Tuning sa aming bahay. Dasal ko noon na sana’y di na siya bumalik kailanman. Nawala na ang aking mga takot.
Isang gabi, ikinuwento sa akin ni Kuya ang tungkol sa isang batang imbisibol. Nagagawa raw lahat ng bata ang lahat ng kanyang gustong gawin nang hindi nakikita. Nagagawang puntahan ng bata ang lahat ng kanyang gustong puntahan—ang bukid, paaralan, ang itaas ng bubungan, ang Maynila at iba pa. Nagagawa niyang pumasok sa paaralan at umuwi sa bahay na singbilis ng hangin. Nagagawa niyang yakaping nang mahigpit ang kanyang mga mahal sa buhay. At nagagawa rin niyang mapuntahan ang lugar ng mga taong nagtatago. Sa kuwentong iyon ni Kuya, parang gusto ko na ring maging imbisibol.
Ilang araw, bago ang graduation ni Kuya, isa-isa ko nang sinungkit ang mga pisong inihulog ko sa posteng kawayan ng aming bahay. Ibibili ko si Kuya ng mga notebook at ballpen. Iyon ang gusto kong regalo sa kanya at alam kong matutuwa siya. Magkakaroon siya ng bagong dahilan upang sumulat ng mga bagong kuwento. Pumunta ako sa tindahan ng school supplies malapit sa aming paaralan. Bumili ako ng tatlong makakapal na notebook at tatlong asul na ballpen.
Pero may balak pala si Kuya na di ko alam.
Pag-uwi ko ng bahay, ibinalita sa akin ni Nanay na sumama si Kuya sa mga trabahador ni Mang Patrocinio upang maghukay ng balon sa isang malayong lugar. Di raw alam ni Nanay kung saan. Walang anumang pag-aalala akong nabakas sa mukha ni Nanay.
Singbilis ng hangin kong tinakbo ang daang patungo sa bahay ni Mang Patrocinio. Gusto kong maabutan si Kuya. Gusto kong sumama sa kanya. Pero di ko na naabutan si Kuya. Sabi ng nadatnan ko sa bahay ni Mang Patrocinio, sa Montalban daw ang punta ng trak na sinakyan ng mga maghuhukay na sinamahan ni Kuya.
Sa pag-uwi ko’y bumuhos ang ulan. Noon ko naramdamang musmos na musmos pa talaga ako. Kailangan ko si Kuya. Kailangan ko ng kakampi. Kailangan kong maging ligtas. Naalala ko ang bukid tuwing tag-ulan. Ang mga perpektong sandali namin ni Kuya. Kung kailan ang uwi ni Kuya, di ko alam. Gusto kong maging imbisibol ng mga oras na iyon. Gusto kong puntahan ang Montalban.
Inilagay ko na lang ang mga bago kong biling notebook at ballpen sa bag ni Kuya.
Halos magdadalawang buwan ding nawala si Kuya. Pinilit kong basahin ang nakasulat sa kanyang mga notebook pero wala akong maintindihan. Kahit anong gawin ko, wala akong maintindihan. Di pa rin talaga ako marunong bumasa.
Dumating si Mang Patrocinio sa aming bahay dala ang kanyang sasakyan, sinalubong ko siya. Akala ko’y kasama na niya si Kuya, di pala. Ibinalita niya sa amin ni Nanay na di na makauuwi pa si Kuya dahil nahulog ito sa malalim na balong hinihukay nila. Namatay si Kuya.
Iniabot ni Mang Patrocinio ang titulo ng aming bukid. Ipinagtapat niyang nais daw matubos ni Kuya ang titulo ng aming lupa kaya ito sumama sa paghuhukay ng lupa sa Montalban. Huli na raw malaman nang malaman niyang sumama pala si Kuya sa trak na naglululan ng kanyang mga trabahador. Wala na raw siyang magawa. Ngayon daw ay natubos na ni Kuya ang aming lupa. Ibinibigay na ni Mang Patrocinio ang titulo ng aming bukid.
Ate Charo, pakiramdam ko noon, nagwakas na ang buhay sa akin bilang bata. Natapos na ang aking mga pangarap kahit ni isa sa mga ito’y wala pang natutupad. Natakot na akong mangarap.
Ang pagpanaw ni Kuya ang naglapit sa aming dalawa ni Nanay. Bumawi si Nanay sa lahat ng kanyang pagkukulang sa akin.
Sa panahon ng bakasyon, pagkatapos ng pangyayaring iyon, sinikap kong mabasa ang mga isinulat na kuwento ni Kuya sa kanyang mga notebook. At doon ko napatunayang nakapahusay niyang manunulat. Sa mga kuwentong aking binasa sa kanyang notebook, naranasan ko ang isang kompletong at perpektong mundo bilang isang bata. Sa mga kuwentong isinulat ni Kuya, kahit papaano, naging makulay at masaya ang aking buhay-pagkabata. Ang mga kuwento ni Kuya ang nagturo sa akin upang matutong magbasa. Iyon ang nagpatuloy ng aking magagandang alaala ng aking Kuya.
Ako ang gumamit ng mga notebook at ballpen na binili ko para kay Kuya. Sinulatan ko ito ng maraming kuwento namin ni Kuya—na punong-punong na pakikipagsapalaran, perpektong-perpekto ang bawat sandali. Namana ko kay Kuya ang pagkahilig sa pagsulat ng mga kuwento.
Maraming salamat sa inyong programa dahil nagkaroon ako ng inspirasyon at lakas ng loob na ibahagi ang kuwento ng aking Kuya Gener—ang isang kuwentong matagal na ring nabubuhay sa pahina ng mga notebook na binili ko para sa kanya.
Lubos na gumagalang,
Ruben