Ako Si Genaro R. Gojo Cruz

Ako si Genaro R. Gojo Cruz, Laking San Jose del Monte City, Isang Bayang Kalapit ng Sta. Maria, Bulacan

7 mga puna

MAY KAKAIBA AKONG sayang nararamdaman sa tuwing napapadaan ako sa Bayan ng Sta. Maria sa Bulacan. Marami kasi akong magagandang alaala sa bayang ito.

Noon, ang Sta. Maria ang pamilihan ng maraming taga-Muzon na tinatawag naming Bayan kahit may sarili kaming bayan, ang San Jose del Monte. Marami kasing mabibili sa Sta. Maria na wala sa Bayan ng San Jose del Monte. Kumbaga, naging parang Maynila namin ang Sta. Maria.

Lagi akong excited sa pag-uwi ni Nanay galing sa San Joaquin, Batangas, matapos ang ilang linggo o buwang pagkawala, dahil alam kong sa pagdating niya, mamimili kami sa Sta. Maria. Maraming-marami kaming pinamimili ni Nanay dahil sa dami rin ng mga tiniis naming wala. Matapos ang aming pamimili, dadaan kami sa isang karinderya. Kakain kami ng lugaw na may itlog o tokwa’t baboy, o ng palabok, o ng mainit na sopas, at kung suwerteng talaga, may halo-halo pa sa huli.

Ilang linggo ring masarap ang aming ulam. Ilang linggo ring puno ang mga garapon namin ng kape, asukal, gatas, at ang lalagyan ng bigas. Ilang linggo ring babango at puputi ang aming mga damit. Kompleto ang sabong-panligo, shampoo, conditioner, at toothpaste. Makatitikim rin ako ng iba’t ibang ulam tulad ng paksiw na bangus, pinakbet, pinangat na isda, sinigang na baboy, abodong manok na luto ni Nanay. Pakiramdam ko, kompletong-kompleto rin ang aking pagkatao.
Tatagal din ng ilang linggo ang mga pinamili namin ni Nanay at kapag naubos na, balik uli sa dati. Bibilang muna ako ng ilang linggo o buwan bago uli kami makapamili sa Sta. Maria. Ilang linggo o buwan ko uling papangarapin ang Sta. Maria, ang karinderyang kinakainan namin ni Nanay matapos ang aming pamamalengke. Ilang linggo o buwan din akong magiging kulang sa maraming bagay.

Noong nasa Grade 5 at 6 ako, sa Sta. Maria rin ako bumibili ng retrato ng mga sikat na basketbolista at artista na ipinagbibili ko sa aking mga kaklase. Mabiling-mabili ang mga retrato nina Robert Joworski, Samboy Lim, Dondon Ampalayo, Ramon Fernandez, Alvin Patrimonio, Jojo Lastimosa at iba pa, maging ang retrato ng mga artistang tulad nina Aiza Siguerra, Sharon Cuneta, ng Triplets na sina Manilyn Reynes, Sheryl Cruz, at Tina Paner, at iba pang sikat na teen stars ng programang That’s Entertainment noon. Tanda ko, 4.00 piso ang bili ko bawat piraso ng retrato na naipagbibili ko ng 7.00 piso.

Isang tag-araw, kasama ang pinsan kong si Alex, nagbisikleta kami papuntang Sta. Maria. Sinubukan namin kung kaya namin. Kabadong-kabado ako noon dahil baka makita ako ng Tatay kong pumapasada ng aming pulang dyip. Ilang beses din namin itong ginawa kahit matinding sakit ng katawan ang inaabot ko kinabukasan.

At kahit wala akong sasakyan pauwi, pinilit kong panoorin hanggang hating-gabi ang palabas ng mga artista sa plaza ng simbahan ng Sta. Maria. Pista ng Bayan kaya may mga artista. Sa Sta. Maria ako unang nakakita ng mga artista. Sina Sherly Cruz at Ariel Rivera ang mga unang artistang nakita ko. Pakiramdam ko, parang bumaba sa sa lupa ang mga bituin. Noon ko unang naramdaman ang maging isang tagahanga. Sa paghanga pala parang nagsisimula ka na ring mangarap!

Lalong nadagdagan ang pagkabighani ko sa Sta. Maria nang tumuntong ako sa kolehiyo. Sa aking pagbabasa at pagsubaybay sa buhay ng mga makatang taga-Bulacan, nalaman kong ang Sta. Maria ang bayan ni Jose Corazon de Jesus.

Sa kanyang isinulat na sariling talambuhay, ganito ang isinulat ni de Jesus:

Ako’y ipinanganak sa Santa Maria, Bulakan, nang ika-22 ng Nobyembre ng 1896.

Ngunit ayon sa nakatatandang kapatid ni de Jesus na si Vicente de Jesus, sa daang Trinidad ng Sta. Cruz, Maynila totoong ipinanganak ang dakilang makata.

Ano ang mayroon sa Sta. Maria upang piliin ni de Jesus na lugar ng kanyang kapanganakan? May magaganda rin ba siyang alaala sa bayang ito tulad ko? Gayong ayon rin sa kanya:

Sa pulitika ay pawang pagkabigo ang aking tinamo, makalawa akong nagkandidato sa pagka-Pangulong Bayan sa Santa. Maria, Bulakan, at makalawa akong natalo.

Wala akong kabiguang maikukuwento ukol sa Sta. Maria dahil puro magaganda ang iniwan nito sa aking batang isipan noon.

Basta sa Sta. Maria, nabubusog ako kasama ng aking Nanay.
Nakokompleto ako nang ilang araw at buwan. Naranasan kong tumingala sa mga bituin at mangarap kahit walang kasiguruhan kung paano ako makakauwi. At sa aking pamimisikleta sa Sta. Maria, nakita ko ang layo ng aking maaaring marating sa buhay.

 

Advertisements

May-akda: Genaro Gojo Cruz

guro, manunulat at mangingibig

7 thoughts on “Ako si Genaro R. Gojo Cruz, Laking San Jose del Monte City, Isang Bayang Kalapit ng Sta. Maria, Bulacan

  1. Isang magandang araw ginoo… Nakatutuwa ang iyong pagsulat ng iyong ala-ala…

    Ako naman, nasa San Jose del Monte ang karamihan ng ala-ala ko… Mayroon ka rin po bang mga ala-ala sa san Jose del Monte na maari mong ibahagi? Maraming salamat!

    Narito nga pala ang aking lugar -blog ukol sa ating bayan: http://www.sanjosedelmonte.blogspot.com

    Magandang araw muli! 🙂

  2. Napadaan lang kabayan! Laki rin ako sa San Jose Del Monte at sa lugar na ito naroon ang lahat ng masasaya at mapapait na alaala ng aking kabataan. Sa kasalukuyan ay sa Sta. Maria na ako nakatira ngunit sa tuwina’y binabalikan ko pa rin ang aking bayang kinalakhan 🙂

  3. Ang galing… Lubha po akong napahanga ng iyong akda… 🙂

  4. ANO PO ANG BANGHAY SA KWENTONG ITO?

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s