Ako Si Genaro R. Gojo Cruz

Imbisibol na Ako!

8 mga puna

Isang umaga, naging imbisibol ako!

Nakapasok ako sa paaralan nang di napapansin ng aking Nanay. Di na ako late tulad ng dati. Nakaabot na ako sa aming flag ceremony. Ilang linggo na rin akong di nakakaawit ng Lupang Hinirang. Pumunta ako sa unahan ng pila. Gusto ko ngayong araw, kakantahin ko nang buong-puso ang Lupang Hinirang.

Hinanap ko si Pol, ang aking best friend.

Nakapasok din ako ng aming klasrum nang di napapansin ni Gng. Afloro at ng aking mga kaklase. Umupo ako sa aking upuan na katabi ni Pol. Pero nakapagtataka, kanina pa siya walang kibo. Di niya ako pinapansin. Galit kaya siya sa akin? Ano naman kaya ang kanyang bagong kuwento?

Dati, pagdating na pagdating ko, magsisimula na agad ang napakahabang kuwento ni Pol. Habang nagsusulat kami, nagkukuwento siya. Habang ginagawa niya ang kanyang assignment sa di niya nagawa sa kanilang bahay, nagkukuwento siya nang mabilis. Habang nagsusulat sa pisara ang aming titser, nagkukuwento siya nang mahina ang boses. Sa rises, may kadugtong pa rin ang kanyang kuwento. Hanggang sa aming paglalakad pauwi ng bahay, nagkukuwento pa rin siya. Mahabang-mahabang-mahabang talaga ang kanyang kuwento.

Kapag maghihiwalay na kami, sasabihin niya:

“O sige, Dindo, bukas ko na uli itutuloy ang kuwento ko. Basta lagi mong tandaan kung saan ako nagtapos para alam ko kung saan ako magsisimula bukas,” bilin niya sa akin.

May kuwento siya tungkol sa isang batang pangarap na magkaroon ng tv sa bahay. Dahil wala raw tv ang bata, iniisip na lang daw ng bata ang itsura ng mga bida sa palabas. At dahil sa kapangyarihan ng isip ng bata, ang iniisip niyang bida ay nagiging siya. Siya na ang bidang patusok-tusok ang buhok, na may espadang singhaba at singliwanag ng sinag ng araw. Kayang niyang payanigin ang lupa sa isang hakbang lang. Kayang niyang gawing dambuhala ang mga alon sa dagat. Isang prinsipe rin daw ang bata. Pero di kilala ng bata ang kanyang inang reyna. Ang amang hari lang niya ang kanyang kasama sa kanilang palasyong wala raw koryente. Maysakit daw ang hari. Isang mahiwagang sakit na walang gamot na makapagpapagaling. Pangarap ng prinsipe na makatuklas ng gamot para sa kanyang amang hari at higit sa lahat, pangarap niyang makita ang kanyang inang reyna. ”

Saan kaya nanggagaling ang mga kuwento ni Pol? Bakit di siya nauubusan ng mga kuwento sa araw-araw?” tanong ko sa sarili.

Nagsulat ako sa notbuk na gawa sa hangin. Sa tingin ko, parang biglang gumanda ang sulat ko. Pero bakit naging imbisibol na rin ang isinusulat ko? Nagsagot din ako ng ipinagawa ni Gng. Afloro sa Filipino nang kasingbilis din ng hangin. Di tulad ng dati, ngayo’y napakadali ko lang nasagot kung alin ang pangungusap at hindi sa mga nakasulat sa blakbord.

Ayos pa lang maging imbisibol, nagiging maganda ang sulat at nagiging matalino! Kay dali ring mangopya kay Pol kung gugustuhin ko!

Di pa rin ako pinapansin ni Pol. Alam kaya niyang pumasok na ako ngayong araw, na di na ako absent? Na-miss kong bigla ang mahabang-mahaba niyang mga kuwento.

Teka! Paano nga pala niya ako makikita? Imbisibol na ako!

Ayos palang maging imbisibol! Kay bilis kong nakarating sa paaralan. Naglakad akong sinbilis din ng hangin. Nawala na lahat ng aking nararamdamang sakit. Lahat naging ayos na!

Pumasok akong di nakasuot ng uniporme. Pambahay lang!

Pumasok ako sa aming klasrum nang walang dalang bag. Di na ako nangangambang mapagalitan ni Gng. Afloro. Alam ko ngayong araw, pagbibigyan nila ako.

Ayos palang maging imbisibol! Walang may pakialam! Walang pumupuna sa aking pagkukulang o nakakalimutang gawin.

Pero si Pol ang inaalala ko. Kanina pa siya malungkot at walang kibo.

Paano ko kaya masasabing nasa tabi niya ako kanina pa? Paano ko ibubulong sa kanyang present ako ngayong araw?

Isulat ko kaya sa kanyang papel na nasa tabi lang niya ako? Pero papaano, maging ang sulat ko ay naging imbisibol na rin?

Lumalampas lang ang aking mga kamay sa lahat ng bagay na hawakan ko. Tinapik ko ang balikat ni Pol pero di niya ako naramdaman. Binulungan ko siya pero mukhang nabingi na siya. Sinubukan kong guluhin ang kanyang buhok pero wala pa ring nangyari.

Ano naman kaya ang kuwento ni Pol ngayong araw?

Si Dindo po ang aking best friend. Gustong-gusto ko pong magkuwento sa kanya, lagi kasi siyang handang makinig sa akin at di siya nagsasawa. Di po ako makapaniwala na siya ay magkaka-dengue. Napakabilis po ng pangyayari! Noong isang linggo lang, katabi ko siya. Tiyak na mami-miss ko po si Dindo,” narinig kong kuwento ni Pol sa harap ng aming klase.

Kay Dindo ko po ikinukuwento ang aking mga gusto at pangarap na maging. Alam po niyang pangarap kong magkaroon kami ng tv at koryente ang aming bahay. Alam po niyang gusto kong gumaling na ang aking tatay na maysakit at makita ang aking nanay. Marami pa po akong mga gustong ikuwento kay Dindo,” dagdag pa ni Pol.

Nakita ko ang pagtulo ng kanyang mga luha

Teka, ano nga ba ang nangyari sa akin noong isang linggo?

Ang natatandaan ko, nagkaroon ako nang mataas na mataas na lagnat, sumakit ang aking ulo, at may lumabas na parang mga mapang pantal sa aking balat.

Parang puwedeng magpakulo ng tubig sa init ng aking hininga!

Pakiramdam ko, parang nasusunog ang balat ko!

Ilang araw rin iyong tumagal.

Dengue pala ang naging sakit ko?

Nagsalita si Gng. Afloro.

Kaya sana klase, tumulong tayo sa paglilinis ng ating paaralan para mawala ang mga lamok na nagdadala ng dengue. Sana, wala ng magkasakit sa atin tulad ng nangyari kay Dindo. Kailangan nating maalis at malinis ang mga pinangingitlugan at pinamamahayan ng mga lamok di lang dito sa ating paaralan kundi maging sa inyong mga bahay,” bilin ni Gng. Afloro.

Tiyak kong naririnig tayo ni Dindo ngayon. Sana’y maging maayos na ang lagay niya ngayon. Papasok na siya sa bagong paaralan na walang kailangang grade para pumasa. Walang kailangang uniporme upang papasukin o libro upang matuto ng mga kaalaman. Papasok na siya sa paaralang ang lahat ng mga mag-aaral ay masaya at kuntento dahil ang kanilang mga pangarap ay natupad na. Sa paaralang ang sukatan ay hindi talino kundi ang pagiging mabuti at mapagmahal sa kapuwa,” dagdag ni Gng. Afloro.

Napakabilis nga ng pangyayari. Pagkagising ko kaninang umaga, imbisibol na ako. Wala na akong sakit na nararamdaman. Para akong nakatuntong sa ulap sa paglalakad. Kay gaan ng aking pakiramdam!

Alam ko, magiging ayos na ang lagay ko habambuhay.

Salamat kay Gng. Afloro, sa aking mga kaklase at higit sa lahat, kay Pol! Ibinigay niya sa akin ang kanyang mga sarili at totoong kuwento na aking babaunin sa aking pupuntahan.

Di mo man ako nakikita at naririnig Pol, ito ang pangako ko sa iyo:

“’Wag kang mag-alala Pol, ibubulong ko sa aking magiging Guro sa aking bagong paaralan na tulungan kang matupad ang iyong mga pangarap. Sasabihin ko sa kanyang pahabain pa Niya ang buhay ng iyong Tatay at makita mo balang-araw ang iyong Nanay. Hindi-hindi ko rin kalilimutan na hilingin sa kanya ang tv na pangarap mo. At siyempre, di mo naman ito magagamit kung walang koryente ang inyong bahay. Kaya siguro, uunahin ko munang hilingin sa Kanya na magkaroon ng koryente ang bahay ninyo. Para makagawa mo na rin lagi ating mga assignment. Sana makapaghintay ka bago mag-Pasko. Tiyak kong kailangan ko muna kasing magpakabait sa aking bagong Guro para ibigay niya ang lahat ng hiling ko.”

Naging imbisibol man ako pero di sa puso at isip ni Pol, ang aking nag-iisang bidang best friend!

(Lahok sa Saranggola blog awards 4)

Advertisements

May-akda: Genaro Gojo Cruz

guro, manunulat at mangingibig

8 thoughts on “Imbisibol na Ako!

  1. Hi Ser. Kaklase mo ako noong dati. Idol na kita noon pa man.

  2. ang ganda ng istorya! :)) good luck po!

  3. Sir Gene! Ang ganda po ng kwento nyong ‘to! Kinikilabutan ako habang nagbabasa. Na-inspire po tuloy akong magsulat ng kwentong pambata! Good luck po sa inyong lahok! =)

  4. Sir, pwede ko po bang gawing pyesa sa patimpalak ang akda nyong ito pra sa estudyante ko?? Sana po payag kayo. 🙂

  5. Sir,
    Isa po akong manunulat sa pilipino at lubha po akong natuwa ng mabasa ko ang inyong akda. Sana po pahintulutan ninyo ako na gawing lunsaran sa pagtalakay ang inyong kwento para sa aklat na aking sinusulat. Lubos po akong naniniwala na ito ay kapupulutan ng aral ng mga batang mambabasa.

    Maraming salamat po.

    weng

    • Hi Rowena!

      Maraming salamat sa iyong pagbabasa.

      Kung ang aklat na iyong isinusulat ay di ipagbibili o libreng ipamimigay sa mga mag-aaral na Pilipino ay pumapayag akong gamitin mo ang ilan sa aking mga kuwento. Ngunit kung ang iyong librong ay ilalathala ng isang commercial printing press at ipagbibili sa mga mag-aaral tuwing pasukan, ay hindi pupuwede. Sana ay maintindihan mo. Marami sa aking mga kuwento ay may copyright ko bilang awtor.

      Salamat!

      Genaro R. Gojo Cruz

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s