Ako Si Genaro R. Gojo Cruz

Huling Biyahe

9 mga puna

Naunsyami ang pagbili namin ng dyip dahil nagkasakit nang matindi ang aking Tatay, kanser sa baga.  ‘Yung pambili sana namin ng dyip, ginamit sa ilang buwang pagkakaospital niya.

Kaya nga, kung dati’y sabik-sabik si Nanay sa tuwing mababalitaan niyang uuwi na si Tatay buhat sa ilang taong pagtatrabaho sa Dubai, ngayo’y napalitan ng matinding inis at pagkasawa sa pag-aalaga.  Marami sa mga tungkulin ni Tatay ang pinasan ni Nanay.

“Kung bakit kasi kung kelan gusto mo ng mawala ang isang tao, tila ba lalong humaba ang kanyang buhay.”

“Nagsapusa ‘ata ang buhay ng taong ito,” ang lagi niyang sinasabi sa tuwing pupunasan at pinapalitan niya ng damit ang Tatay.

Sana’y di naiintindihan ni Tatay ang mga sinasabi ni Nanay.

Kahit papano, nauunawaan ko si Nanay.  Maganda sana ang buhay namin kung di nagkasakit si Tatay.  Sana’y may dyip kaming bumibiyahe sa aming lugar.  At sana’y di ako naglalakad nang napakalayo papasok ng paaralan.

Nahihiya na akong makisabay kina Ute sa umaga at hapon.  Sana’y tulad nila, may dyip na rin kaming bumibiyahe sa aming lugar.  Di sana naaalikabukan at napuputihan ang aking sapatos at uniporme pagpasok.

Lagi naman akong inaaya ni Ute pero lagi rin akong tumatanggi.   Pero sana, naging makulit siya sa pag-aaya sa akin, kasi talagang gusto kong sumabay.

Isang umaga, nagulat ako kay Tatay.   Maaga siyang bumangon.  Parang bumalik ang kanyang lakas at tikas.  Naglakad siya.  Nagwalis ng bakuran.  Nagdilig ng mga halaman.  Nanibago ako kay Tatay.

Bigla akong nasabik sa aking dating Tatay.   Sana’y tulad noon, sabik na sabik lagi ang Nanay sa kanya tuwing uuwi siya galing Dubai.  Sana’y tulad noon, parang di sila mapaghihiwalay at di pinagsasawaan ang isa’t isa.  Sana’y tulad noon, punung-puno ng pangarap ang loob ng aming bahay.

“Sa isang taon, makabibili na tayo ng sarili nating pampasadang dyip.  Isang taon na lang ng pagtitiis at husto na ang ating naipon.  ‘Kala ba ng mga taga-rito sa atin na sila lang ang puwedeng umasenso?”

“Gusto kong mag-aral ka ng nars sa Maynila, anak.”

”At titigil na ako rito sa atin, ipapasada ko na lang ang dyip na ating bibilhin.”

Ang mga natatandaan kong laging sinasabi ni Tatay noon tuwing makakasama namin siya ng ilang linggo.  Si Nanay parang laging naglalakad sa ulap noon.  Asikasong-asikaso niya sa Tatay.

Grade 1 hanggang Grade 4 ako rin lagi ang may pinakamaganda’t pinakamahal na gamit sa aking mga kaklase.  Sabi nga nila, meron daw palang tulad ng mga gamit ko.  Kahit raw sa bayan, wala silang nakikitang katulad ng mga gamit ko.

”Aba siyempre!” ang lagi kong sinasabi sa kanila.

Saan ka ba naman nakakita ng lapis na di na kailangan pang tasahan, ng paburang may pabango, bag na may gulong?  Kumpletong-kumpleto rin ang kulay ng aking mga krayola.   Ako lang sa aming klase ang may ganitong mga gamit.  Kaya nga tuwing darating si Tatay, dumarami rin ang aking mga kaibigan.  Marami silang tanong tungkol kay Tatay.  Siyempre, sabik na sabik naman ako sa pagkukuwento.

Pero akala ko, di mauupod ang aking mga lapis.  Akala ko di mauubos ang bango ng aking pambura.  Akala ko di masisira ang gulong ng aking bag.  Akala ko di mapuputol ang aking mga krayola.  Akala ko, hinding-hindi magkakasakit si Tatay.   Akala ko’y matatapos na ang aking hirap sa paglalakad papasok at papauwi ng paaralan.

Sa aking pag-uwi isang hapon, binilisan ko ang aking mga hakbang.  Umiitim na kasi ang langit, parang babagsak ang malakas na malakas na ulan.

Pero nakasalubong ko ang humaharurot na dyip nina Ute.   At pagtapat sa akin, huminto ito.  Nakita kong sakay si Nanay.

”Halika na!  Sumakay ka na!” ang aya sa akin ni Nanay.

At pagsakay ko ng dyip, nakita ko ang katawan ni Tatay—nakahalindusay at wala ng buhay.

Lahok sa Saranggola blog awards 4

Advertisements

May-akda: Genaro Gojo Cruz

guro, manunulat at mangingibig

9 thoughts on “Huling Biyahe

  1. Ang bigat ng istorya.

    Matagumpay na tumusok sa puso ko ang bawat salita.

    Goodluck sa SBA .

  2. Minsan sa buhay natin, akala natin wala ng bukas at wala na ring wakas. Pero gaya nga ng sabi ng ilan, “Maraming namamatay sa maling akala”.

    Good luck sa SBA! 😀

  3. isang napakalungkot na pagwawakas, byaheng may lungkot sa pag-andar. sana kung ano man ang mangyayari sa kanya patuloy sanang maging inspirasyon niya ang kanyang ama.

    Goodluck sa patimpalak sir!

  4. ang Ganda, good luck sa patimpalak.

  5. ang Ganda, good luck sa patimpalak. God Bless

  6. ANO PO ANG BANGHAY SA KUWENTONG ITO? PLS PAKISAGOT. (PANIMULANG GALAW, TUMITINDING GALAW, KASUKDULAN, KALINAWAN)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s